Monday, August 30, 2010

Huwag Matakot

Sa gitna ng kaba ako'y nag-iisa,
Kahinaan, lumbay, kawalang pag-asa;
Kapaligiran man ayaw makisama,
At ang karamdama'y nagnanakaw ng sigla
Nasaan na Oh Diyos ang Iyong pagsinta?
Pabayaan ba yaring pagdurusa,
Na dulot ng takot at pangungulila?
Higit ngayon Oh Diyos kailangan Kita.

Salamat, salamat sa Espiritung Banal,
At sa aking dibdib ikaw ay namahay.
Ikaw ang nagbibigay nitong kalakasan,
Kaya nagtagumpay sa aking kaaway.
Nagbuhat sa Iyo ang lakas na taglay,
Sa pakikibaka ay aking sandigan.
Sapagkat si Hesus sa puso ay buhay,
Ay nagawa ko, Iyong kalooban

Ikaw at ang iyong labis na pagsinta,
Nagturo sa pusong, magmahal sa iba.
Sa Iyong pag-ibig ligaya'y nadarama,
Naglaho ang aking takot at pangamba.
Kapayapaan mo ay kusang namunga,
Ng kahinahunan at ng disiplina.
Magulong damdamin ngayo'y panatag na,
Pagka't Ikaw Hesus ay laging kasama.

No comments:

Post a Comment